TUBERCULOSIS | Mga residente sa Masbate, nagkakasakit na

Aroroy, Masbate – Nagkakasakit na ng tuberculosis ang mga residente sa Aroroy, Masbate, nalalason na rin ang tubig at lupa sa bayang ito dahil sa walang pakundangang pagmimina ng Filminera Resources, na pag-aari ng Masbate Gold Project at Philippine Gold Processing & Refining Corporation pag-aari naman ng isang Pilipino.

Ayon kay Ms. Malou Verona, ang tagapagsalita ng ‘Ang Aroroy ay Alagaan’ (4As), umaabot na sa 500 residente sa nabanggit na bayan ang nagtataglay na ng sakit na tuberculosis dahil sa nakalalasong usok o fumes na dala ng minahan ng ginto ng Filminera.

Wala na rin aniya silang magamit na malinis na tubig dahil puno na ito ng toxic chemicals gaya ng cyanide at iba pang ginagamit sa pagsala ng ginto at hindi na nila maaaring inumin at gamitin sa pagluluto ang tubig.


Mineral water na rin ang ipinaliligo sa mga sanggol at mga bata dahil nagdudulot na ito ng pangangati sa kanilang mga balat.

Paliwanag ni Verona, ipinarating na nila kay Environment Secretary Cimatu ang kanilang problema upang mapatigil na ang minahan ng Filminera dahil sa panganib na dinudulot sa mga mamamayan ngunit hanggang ngayon ay walang malinaw na tugon ang kalihim.

Inilapit na rin nila sa Department of Health (DOH) ang usapin sa kalusugan ng mga taga-Aroroy, subalit wala silang nakuhang sagot mula kay Health Secretary Francisco Duque III.

Facebook Comments