Tubig-baha sa ilang lugar sa Cagayan, Tuguegarao at Isabela, mabagal na humuhupa

Unti-unti nang humuhupa ang baha sa ilang lugar sa Cagayan province, Tuguegarao City at Isabela.

Gayunman, pitong barangay pa rin sa bayan ng Alcala, Cagayan ang nananatiling lubog sa baha dahil sa mabagal na pagbaba ng tubig.

Aabot sa 12,000 indibidwal ang kasalukuyang nasa evacuation centers habang may ilan ang piniling manatili sa kanilang mga tahanan.


Dalawa ang naiulat na nasawi matapos na makuryente.

Sa bayan naman ng Camalaniugan, abot bewang hanggang dibidb pa ang taas ng baha.

Wala namang naiulat na casualty.

Mabagal din ang paghupa ng baha sa mga barangay ng Linao East, Linao West at Linao North sa Tuguegarao City.

Ayon kay Tuguegarao City Disaster Risk Reduction and Management Office head Maria Soledad Sapp, nahihirapan ang mga rescuer na maabot ang mga residente dahil sa malakas na agos ng tubig-baha.

Dalawa rin ang nasawi sa Tuguegarao, isa ay ang nakuryenteng responder mula Bureau of Agriculture and Fisheries habang ang isa ay residente ng Linao East na nasawi dahil sa pagkalunod.

Samantala sa ng RMN Manila, kinumpirma ni Isabela Governor Rodolfo Albano na dahan-dahan na ring bumababa ang tubig-baha sa probinsya.

Gayunman, patuloy pa rin nilang sinasagip ang mga residenteng naiwan sa bubong ng kanilang mga bahay.

“Medyo bumaba na yung tubig pero medyo lang. Pero ganon pa rin, nandun pa rin yung mga tao sa bubong doon sa isang town sa Sto. Tomas. Pati yung mga evacuation centers nalubog din e,” ani Gov. Albano.

Tinatayang nasa 20,000 hanggang 30,000 pamilya ang apektado ng baha sa Isabela.

Facebook Comments