Unti-unti nang humuhupa ang baha sa ilang bahagi ng Lungsod ng Dagupan matapos ang halos isang linggong pagbaha dulot ng walang tigil na ulan at mataas na tubig mula sa karatig-lugar.
Sa kasalukuyan, ilan sa mga pangunahing kalsada ay maaari nang daanan ng mga sasakyan, subalit patuloy pa rin ang paalala ng lokal na pamahalaan, lalo na sa mga may mabababang sasakyan, na umiwas muna sa pagdaan upang makaiwas sa aberya o pagkasira ng makina.
Bilang bahagi ng patuloy na flood mitigation efforts, sinimulan na kahapon, Hulyo 31 ang operasyon ng movable water pump sa Careenan Creek, Barangay Poblacion Oeste. Layunin nitong mapabilis ang pagbawas ng tubig baha at maiwasan ang muling pag-apaw lalo na sa mga mabababang lugar.
Patuloy rin ang ginagawang monitoring ng City Engineering Office para sa posibleng pagdagdag pa ng mga pump units sa iba pang lugar kung kinakailangan. Pinuri naman ng ilang residente ang mabilis na pagtugon ng pamahalaang lungsod sa naturang sitwasyon.
Sa kabila ng unti-unting pagbuti ng lagay ng panahon, nananawagan pa rin ang mga awtoridad sa publiko na manatiling alerto, iwasan ang mga bahaing kalsada, at makipag-ugnayan sa kani-kanilang barangay para sa anumang pangangailangan o emerhensya. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









