TUBONG PANGASINAN, WAGI SA MISTER PANCONTINENTAL 2026 SA VIETNAM

Ipinagmamalaki ng lalawigan ng Pangasinan ang tagumpay ni Jeriemi Esteves, matapos niyang masungkit ang korona bilang Mister Pancontinental 2026 sa prestihiyosong international pageant na ginanap kamakailan sa Vietnam.

Pinatunayan ni Esteves, tubong Manaoag, Pangasinan, ang husay, talino, at karisma ng Pilipino sa pakikipagtagisan niya ng galing sa mga kalahok mula sa iba’t ibang panig ng mundo.

Sa kanyang mahusay na performance sa iba’t ibang bahagi ng kompetisyon, naging kapansin-pansin ang kanyang kumpiyansa, disiplina, at dedikasyon na naghatid sa kanya sa tagumpay.

Lubos naman ang pasasalamat ni Esteves sa patuloy na suporta ng kanyang pamilya, kaibigan, at mga kababayan sa Pangasinan na nagsilbing inspirasyon niya sa buong laban.

Ang kanyang panalo ay hindi lamang personal na tagumpay kundi isang karangalan din para sa buong bansa, patunay na ang galing at talento ng Pangasinense ay kayang makipagsabayan at magwagi sa pandaigdigang entablado.

Facebook Comments