Nanawagan sa Kongreso ang Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na suportahan ang “Wage Recovery Act of 2023.”
Layon nito na isabatas ang hirit na across-the-board wage recovery increase na ₱150 sa buong bansa.
Naniniwala ang TUCP na lubha nang kinakailangang magkaroon ng ganitong batas sa harap ng matinding kagutuman na nararanasan sa buong bansa.
Ayon sa TUCP, hindi na makapaghintay ang sektor ng mga manggagawa sa pag-aksyon ng regional wage para sa across-the-board wage recovery increase na ₱150 sa daily wages ng mga mangagawa at empleyado sa private sector.
Ayon sa grupo, sa kabila ng patuloy na tinatapyas ng inflation rate ang halaga ng sweldo, nagbibingi-bingihan lang ang mga kinauukulan sa sitwasyon ng labor sector.
Giit ng TUCP, matinding kagutuman ang nararanasan ngayon na epekto ng COVID-19 pandemic, ang Russian invasion sa Ukraine at ang epekto ng climate change sa sektor ng agrikultura.