TUCP, iginiit na hindi na kakayanin ng mga manggagawa ang mga bagong buwis

Hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na magdahan-dahan ang incoming economic managers ng Marcos administration sa binabalak ng mga ito na magpatupad ng mga panibago at karagdagang buwis.

Ito ang pahayag ng grupo matapos inirekomenda ng outgoing Duterte economic managers sa mga incoming economic managers ng Marcos administration na magdagdag ng buwis upang makalikom ng dagdag na pondo at makabayad sa utang ang susunod na administrasyon ng pamahalaan.

Ayon sa TUCP Spokesperson Alan Tanjusay, sagad na sa kahirapan ang mga manggagawa partikular ang mga sumasahod ng minimum wage at mas mababa pa sa minimum wage na informal workers dahil sa mga kasalukuyang mga buwis at pambihirang pagtaas ng mga presyo ng mga bilihin at pagtaas ng halaga ng mga serbisyo, kung kaya’t hindi na kakayanin kung matuloy ang hakbang.


Ayon kay Tanjusay, balewala ang wage increase orders na inilabas ng mga wage boards nitong mga nakaraang araw dahil kakapiranggot at barya lamang ang mga ito.

Ito’y sa harap na rin ng malawak at mataas na pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo matapos inaprubahan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang kahilingan ng mga negosyante.

Papayag ang TUCP sa dagdag buwis kung ang panibagong bubuwisan ay ang mga mayayamang negosyante o mamamayan ng bansa.

Facebook Comments