Manila, Philippines – Matapos aminin ni Labor Secretary Silvestre Bello III na hindi kasya ang P25 na dagdag pasahod sa Metro Manila, pinabubuwag na kay Pangulong Rodrigo Duterte ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ang regional wage boards.
Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, patunay ang pag-amin ni Bello na nawalan na ng kabuluhan ang mga wage boards sa pagbalanse ng interes ng labor sector at ng malalaking kapitalista.
Pero, iginiit ni Mendoza na bago ang pagbuwag ay dapat munang pag-aralan muli ang kakarampot na dagdag sahod na pinagtibay noong Nobyembre.
Nauna nang nagharap ng petisyon ang TUCP na humihiling na gawing P100 ang arawang wage increase sa buong bansa upang makaagapay ang mga manggagawa sa pagsipa ng inflation rate.
Panahon na aniya para baguhin ang differentiated provincial rates at palitan ng singular tripartite wage setting body na magdedetermina ng data-based uniform minimum wage rate para sa lahat ng nga manggagawa sa buong bansa.
Dahil aniya sa mga modernong imprastraktura, halos magkakapareho na lamang ang presyo ng mga basic commodities at services sa Luzon, Visayas at sa Mindanao.