Nanawagan ang labor group na Trade Union Congress of the Philippines kay Pangulong Duterte na bumuo na ng evacuation plan para sa 1.2 million OFWs na nagtatrabaho sa Middle East.
Ito ay bilang paghahanda sakaling lumala ang tension sa rehiyon matapos ang mapatay ng American military ang isang Iranian military official at 4 pang kasama nito sa Baghdad, Iraq.
Nagdeklara kaagad ang Iran government ng 3-araw ng pagluluksa at nangako naman ang mga ito ng paghihiganti sa pagkamatay ng mga Iranian military officials.
Dahil dito hinihikayat na ni TUCP President at TUCP Party-list Congressman Raymond Mendoza si Pangulong Duterte na agad nang balangkasin ang plano sakaling matuloy sa giyera ang sitwasyon doon.
Sinabi ni Mendoza na walang masama sa advance na plano dahil mas mainam na mabibigyan nito ng advance notice ang mga OFWs doon at mapapawi nito ang pangamba nila at kanilang pamilya dito sa nakaambang kaguluhan doon.
Dinagdag ni Mendoza na kailangang si Pangulo mismo ang mag-convene ng plano dahil maraming mga ahensya ng gobyerno ang kinakailangan upang mabuo ang plano sa lalong madaling panahon.
Ayon kay Mendoza, kabilang sa mga government agencies na tumulong sa pagplano ay ang POEA, OWWA, DOLE, DFA, DND, DOTR, DBM, AFP, PNP, DOF, DILG, TESDA at iba pa.
Ayon sa pagtaya ng Philippine Statistics Authority, tinatayang nasa 1.2 million ang mga registered o documented OFWs ang nagtatrabaho sa ibat ibang bansa sa Middle East gaya ng Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Bahrain, Jordan, Kuwait, Lebanon at Israel.