Naniniwala pa rin ang labor group na Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) na maraming employer ang susunod sa labor advisory ng Department of Labor and Employment (DOLE) na nanghihikayat sa mga negosyante na tuloy-tuloy ang pasahod sa mga empleyado na mag-isolate o quarantine matapos mahawa sa COVID-19.
Inaasahan kasi ng TUCP na gawing mandatory ang ‘paid isolation and quarantine leave benefit’ na ipinanukala nila sa DOLE noong nakaraan linggo sa kabila ng kaliwa’t kanan na isolation at quarantine ng mga manggagawa dahil sa surge ng Omicron variant ng COVID-19.
Tumalima naman ang DOLE sa pakiusap ng TUCP na maglabas ng policy na magtuloy-tuloy ang sahod ng mga naka-isolate na mga manggagawa ngunit hindi na ito mandatory gaya ng inaasahan ng grupo ng mga manggagawa.
Sa kabila nito, naniniwala ang TUCP na marami pa ring kompanya ang magco-comply at nakikita nila ang kahalagahan ng tuloy-tuloy na sahod sa kanilang mga manggagawang nangangailangan habang naka-isolate o quarantine.
Batay sa kasalukuyang policy, iyon lamang nagpositibo at naospital dahil sa COVID-19 ang binabayaran ng Employment Compensation Commission (ECC) at Social Security System (SSS) ang arawang sahod habang naka-confine sa hospital.
Hindi naman binabayaran ang isolation o quarantine ng mga empleyado.