Hiniling ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) kay Pangulong Rodrigo Duterte na i-convene na ang Industry Tripartite Councils upang isalba ang mga maliliit na negosyo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Ginawa ni TUCP Vice President Louie Corral ang panawagan kasunod ng plano ni Pangulong Duterte na magbigay ng mula ₱38 billion hanggang ₱51 billion cash subsidy sa mga Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) katulad ng nasa food, hotel, restaurant at ibang service industries.
Ito’y upang makaagapay ang mga ito sa epekto ng krisis pangkalusugan.
Ayon kay Corral, dapat plantsahin ng ITC ang panuntunan upang mailinaw na ang subsidy ay para mapapanatili ang trabaho ng mga manggagawa sa naturang mga industriya.
Gayundin, upang matitiyak ang tuluy-tuloy at risonableng presyo ng mga produkto at serbisyo sa publiko habang umiiral ang Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Iginiit ng TUCP na dapat masakupan ng subsidy ang lahat ng minimum wage workers maliit man o malaki ang negosyo.