TUCP, pinuna ang bagong panuntunan ng Bureau of Immigration

Nakukulangan ang Trade Union Congress of the Philippines o TUCP sa inilabas na bagong panuntunan ng Bureau of Immigration o BI sa pag-iisyu ng working permits sa mga dayuhan na gustong magtrabaho sa bansa.

Ayon kay TUCP President Raymond Mendoza, malabnaw at bulnerable sa korapsyon partikular ng posibleng panunuhol ang bagong patakaran.

Aniya, hindi kasi kumpleto at mistulang marami pang klase ng trabaho ang hindi isinama sa talaan.


Ang tinukoy lamang kasi ng type of jobs ay construction workers, cashiers, janitors, carpenters at iba pang blue collar jobs.

Dagdag pa ni Mendoza, Dapat kumunsulta muna ang BI sa Department of Labor and Employment (DOLE), sa Professional Regulation Commission (PRC) at sa Department of Trade and Industry (DTI).

Iginiit din ng grupo na dapat isapubliko ang kumpletong talaan para makita kung ang mga tipo ng trabaho ay kaya pang gampanan ng maraming skilled workers na Pinoy na nag-aantay pa rin ng oportunidad.

Facebook Comments