Tugon ni Villar sa apelang ECQ sa NCR ng mga medical workers, “very insensitive” – Robredo

Tinawag na “insensitive” ni Vice President Leni Robredo ang naging pahayag ni Senadora Cynthia Villar hinggil sa panawagan ng mga medical professionals na ibalik Sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) ang Metro Manila bunsod ng tumataas na kaso ng COVID-19.

Matatandaang sinabi ni Villar na sa halip ibalik sa ECQ ang Metro Manila, pagbutihin na lang aniya ng mga health workers ang kanilang trabaho.

Katwiran ng senador, hindi maaaring isara ang ekonomiya dahil kung hindi mamamatay sa virus, mamamatay naman sa gutom ang mga tao.


Sa programang Biserbisyong Leni ng RMN Manila, sinabi ni Robredo na nakakalungkot na tila hindi nakikita ng iba ang ginagawang sakripisyo ng mga health workers.

“… number one, very insensitive. Number two, hindi nila alam kung ano yung sakripisyo nung ating health workers. Kung ikaw naman ganito, mula March pareho pa rin yung sitwasyon, yung sakripisyo mo pareho pa rin, yung threat na magkasakit ka mas malaki ngayon tapos hindi ka pa appreciated, e talaga namang sino naman yung mawawalan ng gana,” ani Robredo.

Giit pa ng bise presidente, bagama’t tama na binibigyan ng boses ang mga ekonomista, dapat pa ring tutukan ng gobyerno kung paano mapapababa ang kaso ng COVID-19 sa bansa.

“Hangga’t grabe yung kaso natin, hindi tayo makakabalik sa normal. Tama naman na binabalanse, tama naman na nag-iisip ng ibang alternatives maliban sa hard lockdown. Pero kailangan ang tutukan natin, paano ba natin mapipigilan yung numero na after five months pataas pa rin nang pataas,” dagdag ng bise presidente.

Kahapon nang malabas din ng pahayag si Heath Secretary Francisco Duque III kung saan tiniyak nitong makakarating sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang daing ng mga health workers.

Agad namang pinagpulungan sa Palasyo ang nasabing apela ng mga medical professionals at anuman ang maging rekomendasyon ay agad na ipapasa kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Facebook Comments