Manila, Philippines – Magpapadala ang Cebu Pacific ng Airbus A330 ang pinaka-malaking aircraft ng nasabing airline company para sa mga Overseas Filipino Worker na uuwi galing ng Kuwait.
Ito ay bilang tugon sa panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Cebu Pacific at Philippine Airlines upang libreng makauwi ang ating mga kababayan na kadalasang nakakaranas ng pagmamaltrato sa Kuwait.
Ayon sa Cebu Pacific kahit wala na silang commercial flight patungong Kuwait ay mayroon ng special arrangement hinggil dito.
Ang Airbus A330 aircraft ay kayang magsakay ng hanggang sa 436 na mga OFW.
Magkakaloob din ito ng libreng pagkain at refreshment habang nasa byahe ang ating mga kababayan pauwi ng bansa.
Wala na ring aalalahanin pa ang ating mga kababayan sa kanilang mga bitbitin dahil libre na maging ang kanilang baggage allowance.
Samantala, sa panig naman ng Philippine Airlines, idedeploy nilang ang kanilang airbus a330 kung saan kaya nitong magsakay ng hanggang sa 363 pasahero.
Maliban sa special flights, mayroon ding regular flights ang PAL kung saan nakapagpauwi na ito ng ilang batch ng mga OFWs nitong mga nakalipas na buwan.
Sa ngayon, nakikipag-ugnayan na lang ang 2 airline companies sa Department of Foreign Affairs, Philippine Embassy in Kuwait at sa iba pang kinauukulan para sa mga kinakailangang requirements at final travel arrangement sa pagpapauwi sa ating mga kababayan
Sa datos ng DFA mayroong 260,000 na mga OFW ang nagta-trabaho sa Kuwait.