Tuguegarao City, Balik MGCQ Status na

Cauayan City, Isabela- Bumalik na sa Modified General Community Quarantine (MGCQ) status ang Lungsod ng Tuguegarao.

Ito’y matapos bumaba ang bilang ng aktibong kaso ng COVID-19 na kinumpirma rin ni City Mayor Jefferson Soriano.

Sa bagong quarantine status, pinapayagan nang bumiyahe ang mga pampasaherong traysikel at iba pang pampublikong transportasyon ngunit ipatutupad pa rin ang protocols base sa IATF guidelines.


Pinapayagan na rin ang angkas basta sumunod lamang sa protocol at maaari na rin magbukas ang mga restaurant, barber shops, resto bars, amusement parks at iba pang business stablishments na may 50 porsiyentong capacity.

Ipatutupad pa rin a ng curfew hour sa Lungsod mula sa oras na alas 12:00 ng madaling araw hanggang alas 4:00 ng umaga.

Gayunpaman, sinabi ng alkalde na mananatili lamang sa tatlong araw o 72 oras para sa lamay ngunit hindi pinapayagan ang pag-prusisyon ng patay sa kalsada.

Hindi rin pinapayagan ang mass gathering maliban kung magkakapamilya.

Sa pinakahuling naitala ng Lungsod, mayroon pang 60 na aktibong kaso ang Tuguegarao City mula sa 300 na naitalang aktibong kaso noong nakaraang buwan na resulta na rin ng pagsailalim ng Lungsod sa General Community Quarantine (GCQ) ng ilang araw.

Facebook Comments