Cauayan City, Isabela- Balik na sa pagpapatupad ng modified general community quarantine (MGCQ) ang Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao simula mamayang 12:01 ng hatinggabi.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, hindi ito nangangahulugan na balik-normal na ang lahat ng aktibidad sa siyudad dahil mahigpit pa rin ang pagbabantay sa publiko para matiyak na makaiwas sa posibleng pagkalat ng COVID-19.
Giit ng alkalde, kailangan pa rin sundin ang ilang health protocols gaya ng mga sumusunod: public transport gaya ng pamamasada sa tricycle na 50%; social gathering na hindi hihigit sa 25 katao; pagbubukas ng talipapa sa mga araw ng Biyernes, Sabado at Linggo; satellite market at dapon sa barangay -tuluy-tuloy; curfew hour: 11pm-4:00am; pagbubukas ng mga restaurant at least 75 percent ang kapasidad ng tao habang lifted na ang liquor ban.
Hindi naman na kailangan ang pagpepresenta ng covid-19 shield hindi na kailangan habang ang burol ng namatay na kaanak ay kinakailangan lamang na mga malalapit na kaanak ang dadalo sa lamay.
Kinokonsidera naman ang pagbubukas ng Tuguegarao City Airport para sa commercial flight.
Dahil dito, napababa ang kaso ng covid-19 sa lungsod matapos ipatupad ang MECQ sa lungsod.
Ayon sa kanya, dalawa na lang ang pinakahuling nadagdag na mula sa Pallua Sur at ang manukurista sa Ugac Sur.