*Cauayan City, Isabela*- Tiniyak ng Lokal na Pamahalaan ng Tuguegarao ang kanilang kahandaan para sa kaligtasan ng mga biyahero pauwi ng Probinsya ng Cagayan.
Ito ay matapos magdeklara ng Community Quarantine si Pangulong Duterte laban sa corona virus o COVID-19.
Ayon kay City Information Officer Edmund Pancha, inatasan na aniya ni City Mayor Jefferson Soriano ang health office at CDDRRM para paghandaan at patuloy na bantayan ang pagdating ng mga bakasyonista sa lungsod.
Maliban dito, isinailalim na sa disinfectant ang lahat ng mga bagay na ginamit ng mga delegado sa katatapos na National Schools Press Conference (NSPC).
Pinulong na rin ni Mayor Soriano ang lahat ng mga bus company sa lungsod para sa ilang hakbang sa pag iwas sa posibleng pagkalat ng nasabing sakit.
Kaugnay nito, sasailalim sa 14 days quarantine ang lahat ng mga uuwi sa probinsya at kinakailangang sundin ang ilang abiso ng awtoridad para matiyak ang kaligtasan ng lahat.
Sa lunes, inaasahang pupulungin ni Soriano ang mga may ari ng establisyimento gaya ng restaurants, malls at hotels para mabigyan ng pamamaraan laban sa COVID-19.
Paalala naman naman ni Pancha na makiisa ang publiko sa pagtitiyak na maayos at walang maitalang kaso ng naturang sakit.