Cauayan City, Isabela- Inilagay na rin sa kategoryang ‘Community Transmission’ ng COVID-19 ang lungsod ng Tuguegarao makaraang makapagtala ng kabuuang 71 na kumpirmadong kaso ng virus.
Ito ay batay sa pinakahuling datos na inilabas ng Department of Health (DOH) region 2.
Ayon kay Health Education and Promotion Officer Pauleen Atal, hindi na matukoy ng ahensya ang pinagmulan ng pagkahawa ng mga pasyente sa virus kung kaya’t isinailalim nila sa kategorya ng community transmission ang lungsod.
Batay naman sa workplace transmission, may pinakamataas pa rin na bilang ang Tuguegarao City Police Station na pumalo sa 59 ang cases linked na sinundan ng Adventist Hospital na may 16 na cases linked; Cauayan City hall na may 13 at Region 2 Trauma and Medical Center na may 6 cases linked.
Nadagdagan naman ang mga lugar na may local transmission na kinabibilangan ng mga bayan ng Alicia, Cabatuan, Cauayan City, Santiago City, San Manuel, City of Ilagan sa Isabela habang bayan naman ng Bayombong, Bagabag at Aritao sa Nueva Vizcaya.
Maliban dito, nangunguna pa rin ang bayan ng Solano sa Nueva Vizcaya sa community transmission na may 82 naitalang kaso.
Samantala, pumalo na sa 27 ang naitalang kaso ng pagkamatay may kaugnayan sa COVID-19.
Sa ngayon ay nasa 1,669 confirmed cases na ang naitala sa buong rehiyon habang 457 ang nananatiling aktibo.