Muling pinasasailalim ni Cagayan Governor Manuel Mamba ang lungsod ng Tuguegarao sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ito ay dahil na rin sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa lungsod nitong nakalipas na araw.
Ayon kay Mamba, dumarami ang local transmission o hawaan sa pagitan ng mga indibidwal na nakatira sa iisang bahay.
Bukod pa rito, nakikita ring dahilan ng gobernador ang pagtama ng Bagyong Ulysses sa kanilang dahil karamihan sa mga residente ang nagsilikas sa mga evacuation centers.
Bunsod nito, ipinag-utos na ni Mamba na ilipat sa mga isolation facilities sa probinsya ang mga naka-home quarantine para makaiwas sa posibleng pagkalat pa lalo ng virus.
Samantala, upang maiwasan naman ang hawaan ng COVID-19 sa mga evacuation center, pinauwi na ng Marikina City Local Government ang halos 90% ng mga residente nito sa kanilang mga tahanan matapos na lumikas dahil sa pagbaha dulot ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay Marikina City Mayor Marcelino Teodoro, sa ngayon ay nasa 1,050 pamilya na lamang ang nananatili sa mga evacuation centers dahil hindi pa maayos ang kanilang mga tahanan.
Una rito, limang residente ng Marikina ang nagpositibo sa COVID-19 test habang sila ay nasa evacuation center.