Sa inilabas na abiso ng Cagayan Provincial Information Office, umabot naman sa anim (6) ang dengue related death sa lalawigan.
Ayon kay Dr. Rhea Daquilan, Officer in Charge ng Provincial Health Office (PHO) na nasa epidemic level pa rin ang kaso ng dengue sa probinsya.
Sa ngayon, pumalo na sa 2,477 ang kabuuang bilang ng tinamaan ng sakit na dengue matapos manguna sa listahan ang lungsod ng Tuguegarao (300), sinundan ito ng mga bayan ng Lasam (201), Solana (202), Tuao (200), Baggao (190), Gattaran (187), Piat (129) at Aparri (103).
Habang ang ibang bayan ay nakapagtala naman ng hindi bababa sa 20 ang kaso ng dengue sa kanilang lugar.
Kaugnay nito, nananatili namang zero cases ang kaso ng Dengue sa Isla ng Calayan.
Gayunman, binabantayan pa rin ng PHO ang lahat ng bayan dahil noong 2019 partikular noong buwan ng Agosto ay umabot sa epidemic peak period ang dengue.
Mahigpit naman ang paalala sa publiko na sundin ang ilang preventive measure para tuluyang maiwasan ang pagdami ng kaso ng nakamamatay na dengue.