Asahan na ang tuition hike sa mga college at universities sa harap ng COVID-19 crisis.
Ayon kay Commission on Higher Education (CHED) Commissioner Aldrin Darilag, ang pagbaba ng enrollment sa mga darating na semester ay nagresulta para mapilitan ang mga academic institution na magtaas ng kanilang tuition at iba pang bayarin.
Aniya, nasa 3.5 milyong estudyante mula sa higher education ang naapektuhan ng COVID-19 crisis.
Una nang sinabi ni CHED Chairperson Prospero De Vera na hindi muna sila tatanggap ng bagong merit scholars para sa School Year 2020-2021 dahil ang pondo para rito ay nare-allocate sa pagtugon ng gobyerno sa COVID-19 pandemic.
Kaugnay nito, ikinabahala naman ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) ang mababang turnout ng online enrollment sa 14 rehiyon sa bansa.
Giit ng grupo, maraming mahihirap na estudyante ang mapag-iiwanan oras na maipatupad na ang blended learning system lalo na’t karamihan sa kanila ay walang internet access.
Sa datos ng Department of Education (DepEd), ang CALABARZON ang may mataas na bilang ng mga enrollees (1,283,358), sinundan ng National Capital Region (895,406) at Central Luzon (772,035).
Ang Cordillera Administrative Region (CAR) naman ang nakapagtala ng kaunting bilang ng mga enrollees (38,853).