Manila, Philippines – Natukoy na ng Philippine National Police (PNP) ang mastermind sa pagpatay kay General Tinio Nueva Ecija Mayor Ferdinand Bote.
Ayon kay PNP Chief Police Director General Oscar Albayalde sa pamamagitan ng extra judicial confession ni Florencio Suarez, isa sa mga naarestong suspek kaya natukoy ang mastermind na kinilalang si Christian Saquilabon.
Sinabi ni PNP Region 3, Regional Director Police Chief Superintendent Amador Corpuz, si Saquilabon ay business contractor sa Nueva Ecija.
Aniya nanalo ito sa bidding process para sa 96 million pesos na Minalungao Tourism Convergence Zone na umanoy ginigipit ni Mayor Bote.
Dahil dito naging matimbang ngayon ang motibong away sa negosyo ang dahilan ng pagpatay kay Mayor Bote.
Kinumpirma rin ni PNP Chief Albayalde na batay sa isinagawang forensic exam nakumpirmang ang baril na nakuha kina Florencio Suarez at isa pang suspek na si Robertlyn Gumatay ay ang baril na ginamit sa pagpatay kay Mayor Bote.
Bukod kina Suarez at Gumatay kusang loob na sumuko naman sa PNP ang isa pang suspek na si Arnold Gamboa na nagsilbing drayber umano nang isagawa ang krimen.
Sa ngayon pinaghahanap ng mga pulis ang mastermind na si Christian Saquilabon at tatlong iba pa, isa rito ay kinilalang si Junjun Pajardo nagsisilbing spotter sa krimen.
Hindi naman inaalis ng PNP ang posibilidad na may mas mataas pang indibidwal kanyang Christian Saquilabon para ipapatay si Mayor Bote.
Inihayag rin ni Corpuz na halagang 25 libong piso ang inilabas na pera ni Christian Saquilabon para ipapatay si Mayor Bote.