Tuguegarao City – May lead na ang mga otoridad sa mga suspek sa pangho-holdap sa isang sangay ng bangko sa Tuguegarao City sa Cagayan kung saan aabot sa 21.4 million pesos ang natangay.
Sa interview ng RMN DZXL Manila kay Cagayan Police Provincial Director Police Superintendent Warren Tolito, batay sa kuha ng mga CCTV camera sa establishment, limang lalaki na nagpanggap na pulis ang nanloob sa bangko.
Ayon kay Tolito, sa ngayon ay may hawak na silang cartographic sketch sa mga suspek.
Batay sa footage ng CCTV, pasado alas otso ng gabi ng kumatok ang mga salarin sa first floor ng bangko at agad na dinisarmahan ang mga guwardiya.
Nagtungo sa ikalawang palapag ang mga suspek kung saan tinutukan ng mga ito ng baril ang teller na nagkataong nagbibilang ng pera nang mangyari ang panloloob.
Naghagis pa umano ng pekeng granada ang mga suspel bago tumakas gamit ang puting van.
Sa ngayon ay patuloy ang manhunt operation ng PNP-Cagayan sa mga suspek.