TULAK NG DROGA, BALIK KULUNGAN MATAPOS MA BUY-BUST

Muling bumagsak sa kamay ng mga alagad ng batas ang isang lalaking tulak ng droga matapos magpositibo sa ikinasang Drug Buy Bust Operation ng mga otoridad sa Barangay Cabaruan dito sa Lungsod ng Cauayan.

Ang suspek ay si Marlon Cardenas, 31 taong gulang, construction worker at pansamantalang naninirahan sa Brgy. Tagaran, Cauayan City, Isabela.

Nakuha mula sa pag-iingat ng suspek ang isang piraso ng heat sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P340; P1,000 na marked money; isang pitaka na naglalaman ng mahigit limandaang piso at Vaccination Card; isnag unit ng smartphone; isang belt bag at ang motorsiklo na ginamit sa iligal na transaksyon.

Sa ating panayam kay PMaj. Esem Galiza, Deputy Chief of Police ng Cauayan City Police Station, si Cardenas ay panghuling indibidwal na na binabantayan ng kapulisan at PDEA na sangkot sa transaksyon ng illegal na droga dito sa Siyudad ng Cauayan.

Bukod dito ay pang tatlong beses na itong huli ni Cardenas sa parehong transaksyon na kung saan ay nakapag piyansa ito sa unang kaso at na dismissed naman sa ikalawang pagkakaaresto nito.

Kaugnay nito, umaasa si Galiza na wala na silang mamonitor na tulak o di kaya ay gumagamit ng droga at marijuana sa Lungsod para tuluyan nang maideklara na Drug Cleared City ang Siyudad ng Cauayan.

Samantala, masusi namang inaalam ng kapulisan kung sino o saan kinukuha ang mga ibinebentang Shabu dito sa Lungsod.

Facebook Comments