Arestado ang isang lalaking hinihinalang tulak ng droga sa isinagawang anti-drug operation ng pinagsanib na pwersa ng Taguig City PNP-Station Drug Enforcement Unit at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) – Regional Office National Capital Region sa lungsod ng Taguig.
Kinilala ang suspek na si Ereneo Gorospe Danca, alyas Abdul, 35-anyos, at isang fish vendor na nakatira sa No. 95 Lanao St., Brgy. Napindan sa nasabing lungsod.
Ayon sa Taguig PNP, isang tulak ng ilegal na droga si Abdul sa kanilang lugar at ginagawa nitong pugad ng ipinagbabawal na droga ang kanyang bahay.
Nakuha mula sa kanyang bahay ang 10.35 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng ₱70,380, ₱500 na perang ginamit bilang buy-bust money, at isang cellphone.
Sa ngayon ay nakakulong na ang suspek sa Taguig PNP Custodial facility at nahaharap ito sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.