
CAUAYAN CITY- Binawian ng buhay ang isa sa dalawang suspek na nanlaban sa mga otoridad matapos ang ikinasang drug buy-bust operation sa Brgy. Tungngod, Lagawe, Ifugao.
Sa operasyon, pinaputukan ng baril ng isa sa mga suspek ang mga otoridad matapos nitong mapansin ang kanilang presensya kung saan tumama ito sa ballistic vest ng isang pulis.
Tinangka ring tumakas ng mga suspek gamit ang isang sasakyan na nag-udyok sa mga otoridad upang magpaputok ng baril at habulin sila.
Sa kanilang pagdakip, natuklasan ng mga operatiba na ang isang suspek ay may tama ng baril kaya naman agad siyang dinala sa pagamutan ngunit sa kasamaang palad ay idineklara itong dead on arrival.
Samantala, hinalughog naman ng mga pulis ang sasakyan ng mga ito at dito narekober ang tatlong (3) pakete ng hinihinalang shabu na may timbang na 15 grams at nagkakahalaga ng P102,000, apat na basyo ng bala, isang bala ng kalibre .22, at isang hand grenade.
Mahaharap naman ang isa sa mga suspek na nadakip sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.