Tulak ng Droga, Huli sa Buybust Operation!

Cauayan City, Isabela- Inihahanda na ang kasong isasampa laban sa isang magsasaka na nahuli sa pagtutulak ng droga at marijuana sa Brgy. San Pedro, Roxas, Isabela.

Nadakip sa isinagawang drug buybust operation ng pinagsanib pwersa ng PNP Roxas at PDEA Region 02 ang suspek na kinilalang si Noel Battung, 34-anyos, may asawa, at residente ng Brgy. San Ramon, Mallig, Isabela.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, masusing binantayan ng mga operatiba ang kilos ng suspek hanggang sa makumpirma na sangkot ito sa iligal na aktibidad kaya’t agad na naglatag ng operasyon ang pulisya na nagresulta sa pagkakadakip ng suspek.


Nakuha mula sa suspek ang tatlong (3) pakete ng pinaniniwalaang shabu, pinatuyong dahon ng marijuana, mga drug paraphernalia, Php1,000.00, isang piraso ng pekeng Php500.00 na buy-bust money, motorsiklo at cellphone na hinihinalang ginagamit sa transaksyon.

Nasa kustodiya ngayon ng pulisya ang suspek na mahaharap sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Facebook Comments