Nilinaw ng Barangay Council ng Tuliao, Sta. Barbara na wala itong kinalaman sa kinandadong basketball ring sa gym na inireklamo ng ilang residente kamakailan.
Sa panayam ng IFM News Dagupan kay Brgy. Capt. Soledad Bustillo, wala umanong kakayanan ang barangay na gawin ito base sa itinakdang pamantayan ng Department of Education sa paggamit ng mga pasilidad sa mga pampublikong paaralan.
Dagdag ng opisyal, sakop din ng kautusan ang mga barangay na kinakailangang tumalima sa mga papeles upang makagamit ng pasilidad sa paaralan.
May mga insidente umano na nagkalat ang basura, mapanghi ang pader, at magulo ang ilang kagamitan sa naturang gym dahil sa ilang aktibidad.
Nagkataon naman na suspendido ang klase sa lahat ng antas sa lalawigan dahilan kaya hindi nakuhanan ng pahayag ang paaralan.
Sa ngayon, bukas na ang naturang ring at malaya nang magagamit ng mga residente ngunit panawagan ang responsibilidad sa kalinisan nito.
Nakatakdang magsagawa ng dialogue ang council sa mga residente, complainant at pamunuan ng paaralan upang malinawan ukol dito. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









