Binigyan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng karagdagang tulong ang mga biktima ng dalawang nagkasunod na pagsabog sa Isulan Sultan Kudarat kamakailan.
Ayon kay DSWD Secretary Virginia Orogo, may ibinibigay na financial assistance ang DSWD na tig P5,000 sa mga sugatang indibidwal na nanatili pa rin sa Sultan Kudarat Provincial Hospital, Holy Nazarene Hospital at St. Louie Hospital.
Habang tig tatatlong libong piso naman ang ipinagkaloob sa mga sugatan na nakalabas na ng pagamutan.
Samantala ang mga namatayang pamilya ay binigyan ng cash aid na tig P5,000.
Sa nangyaring pagsabog noong Agosto 28 sa night market sa national highway ng Barangay Kalawag 3, dalawa katao ang nasawi at 36 ang nasugatan.
Habang dalawa katao naman ang nasawi at 14 ang sugatan sa nangyaring pangalawang pagsabog sa loob ng computer shop sa Barangay Kalawag 2 noong Setyembre 2.