Mayorya ng mga Pilipino ang nagsabing sapat ang ginagawang tugon ng gobyerno sa paglaban sa COVID-19 maliban sa pagbibigay ng tulong sa mga nawalan ng trabaho dahil sa pandemya.
Sa survey ng Social Weather Stations (SWS), 71% ang nagsabing sapat ang ginagawang effort ng pamahalaan para maipaalam sa publiko kung paano lalabanan ang virus.
Twenty-two percent (22%) naman ang nagsabing hindi sapat ang ginagawa ng pamahalaan habang 6% ang undecided.
Samantala, 67% ang nagsabing sapat ang ginagawa ng gobyerno para matiyak na may malawak na contact tracing; 23% ang nagsabing hindi sapat at 9% ang undecided.
Lumabas din sa survey na 54% ng mga Pilipino ang nagsabing sapat ang ginagawang aksyon ng gobyerno para matiyak na abot-kaya ang COVID-19 testing; 33% ang nagsabing hindi sapat habang 11% ang undecided.
Sa kabilang dako, 44% ang nagsabing sapat ang tulong na ibinibigay ng pamahalaan sa mga nawalan ng trabaho sa gitna ng pandemya na mas mababa kumpara sa 46% na nagsabing hindi ito sapat habang 9% ang undecided.
Isinagawa ang survey mula September 17 hanggang 20 sa pamamagitan ng mobile phone at computer-assisted telephone interview na nilahukan ng 1,249 na adult Filipinos.