Manila, Philippines – Tiniyak ni Chinese Ambassador to the Philippines Zhao Jianhua na magpapatuloy ang pagbibigay nila ng tulong sa Pilipinas partikular sa ginagawang rehabilitasyon sa Marawi City.
Ginawa ni Jianhua ang pahayag matapos ang handover ceremony ng 47 mga bagong heavy equipment sa tanggapan ng DPWH kung saan lumagda ang Chinese envoy at si DPWH Secretary Mark Villars sa pormal na pagtanggap ng mga kagamitan.
Ayon sa Chinese official, hindi second hand equipment ang kanilang ibinigay sa Pilipinas kundi pawang mga bagong makinarya na nagkakahalaga ng 155 milyong piso na gagamitin sa rehabilitasyon ng Marawi City.
Paliwanag ni Jianhua na ang donasyon ay kusang loob na ginawa ng Peoples Republic of China sa ilalim ng Emergency Humanitarian Assistance Program, upang makabangon ang lungsod ng Marawi.
Iginiit ni Jianhua na walang hinihinging kapalit o anumang obligasyon mula sa pamahalaang Pilipinas ang China.
Kabilang sa construction equipment na donasyon ng PROC ay 8 set ng excavators, wheel loaders, compactors, bulldozers, dump truck, cement mixers at isang container van.