Nagpapatuloy ngayon ang ika-17 pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa umano’y iregularidad sa pagbili ng gobyerno ng pandemic supplies.
Sa pagdinig ay hiniling ni Committee Chairman Senator Richard Gordon sa Department of Foreign Affairs (DFA), National Bureau of Investigation (NBI) at Department of Justice (DOJ) na hanapin ang mga opisyal ng mga kompanyang may koneksyon sa Pharmally Pharmaceutical Corporations.
Kasama rito si dating Presidential Economic Adviser Michael Yang at dating former Procurement Service – Department of Budget and Management (PS-DBM) chief Lloyd Lao.
Ipinakita pa ni Gordon ang larawan nina Gerald Cruz at Jayson Uson.
Sabi ni Gordon, si Cruz at Uson ay may mga posisyon sa mga kompanyang may link umano kay Michael Yang na sinasabing nagpondo sa Pharmally para sa bilyun-bilyong pisong kontrata nito sa gobyerno.
Nananawagan din si Gordon sa publiko na kung kilala at makikita nila sina Cruz at Uson at ibang pinapaaresto ng Senado na agad itong ipaalam sa Blue Ribbon Committee.
Diin ni Gordon, mahalagang mahuli sila para mabuo natin ang istorya kaugnay sa maling paggamit sa pondong pantugon sa COVID-19 pandemic.