Tulong ng mga ‘tsismosa’ sa COVID-19 contact tracing, kinokonsidera

Posibleng mapakinabangan ang pagiging tsismosa ngayong may coronavirus pandemic.

Ito ang ideya ni Police Brigadier General Albert Ignatius Ferro, director ng Police Regional Office in Central Visayas (PRO-7), na naniniwalang makatutulong ang mga binansagang tsismoso’t tsismosa sa isinasagawang contact tracing.

“What do we call this, the tsismoso brigade… they could be a good source, sa Bulacan man yata. Sabi nila, mga tsismosa, we can ask you to help us sa atong (ating) contact tracing,” anang opisyal sa report ng The Freeman nitong Martes.


“Instead na paglibak (tsismis), naa silay maayong matabang (may maitulong silang mabuti),” dagdag niya.

Kaugnay nito, iginiit ni Ferro na hindi lang awtoridad ang may responsibilidad na pigilin ang pagkalat ng virus, kundi pati ang mga mamamayan.

Umaasa ang opisyal na makatutulong ang mga taga-sagap ng balita sa mga komunidad sa pagpapabilis ang proseso ng contact tracing.

Isa sa mga epektibong paraan laban sa pandemya ang contact tracing, kung saan tutukuyin at susuriin din ang mga taong nakasalamuha ng kumpirmadong COVID-19 patient.

Facebook Comments