Dumating na ang tulong ng Philippine Red Cross (PRC) para sa mga nasalanta ng Super Typhoon Kiko sa Batanes.
Alas-3:00 kahapon ng hapon nang dumating sa Basco Batanes Port ang Everwin III Cargo Vessel lulan ang mga relief items.
Matatandaang pormal na humingi ng tulong sa PRC ang Provincial Government ng Batanes kasunod ng matinding pinsalang iniwan ng bagyong Kiko sa imprastraktura at kabuhayan dahilan para magdeklara ng state of calamity ang probinsya.
Pero bago pa man ang pananalasa ng Typhoon Kiko, nagpadala na ang PRC ng mga volunteers sa lugar para tulungan ang mga komunidad doon na makapaghanda.
At pagkatapos ng bagyo, agad ding ipinag-utos ni PRC Chairman Senator Richard Gordon ang pagpapadala ng relief items sa Batanes.
Nakapaloob sa shipment ang 1,000 piraso ng tarpaulins na gagamiting temporary shelters ng mga pamilyang nasira ang bahay dahil sa bagyo; 1,000 piraso ng Jerry cans o water containers; 500 sets ng shelter tool kits; 1,500 flashlights; 263 solar bulbs; 20 sets ng family tents at 50 sako ng bigas.
Makakatnggap din ang PRC Batanes Chapter ng isang motorsiklo, dalawang portable generator units, isang portable speaker, hard hats, face masks, at vitamins bilang suporta sa typhoon operations sa probinsya.