TULONG NG PUBLIKO, HINILING SA PAGTANGGAL SA MGA ‘DI KARAPAT-DAPAT SA 4Ps

Cauayan City, Isabela- Muling nananawagan ang tanggapan ng 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program sa publiko na makipagtulungan lamang sa kanila para matanggal ang mga hindi karapat-dapat na benepisyaryo sa nasabing programa.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr. Jay Marlon Bulanday, Project Development Officer II ng CSWD Cauayan, bukas lamang ang kanilang opisina sa mga ‘tiktik’ o nais magsumbong kaugnay sa mga kakilala na hindi na dapat kabilang sa 4Ps.

Mas mainam aniya na bukod sa kanilang ginagawang monthly monitoring sa bawat bahay ng mga benepisyaryo ay maidulog din sa kanila kung mayroong kakilalang pamilya na dapat matanggal na sa listahan.

Paalala lamang sa mga magsusumbong na dapat mayroong hawak na matibay na ebidensya.

Kaya naman hinihiling ng kanilang tanggapan ang kooperasyon ng bawat isa lalo na sa mga barangay officials para ipagkaloob din sa mga karapat-dapat na pamilya ang nasabing tulong-pinansyal ng gobyerno.

Sa ngayon, nasa mahigit dalawang libong 4Ps members na lamang sa Lungsod mula sa dating bilang na mahigit tatlong libo matapos ang kanilang ginawang pagtanggal dahil na rin sa mga nagawang paglabag habang ang iba naman ay kusang nag-exit at natapos na sa programa.

Ayon pa kay Bullanday, mayroon silang tinitignang batayan sa pagtanggal sa mga benepisyaryo ng 4Ps gaya na lamang ng non-compliance o hindi pagsunod sa mga kondisyon gaya na lamang ng mga sumusunod:

Ang babaeng nagdadalang-tao ay dapat mag-avail ng pre-at post-natal care, at dapat may isang propesyonal na mag-aasikaso sa kanila sa panahon ng panganganak.

Ang mga magulang o guardians ay kailangang dumalo sa family development sessions na kadalasan ay idinaraos isang beses kada isang buwan para malaman ang tungkol sa responsible parenting, kalusugan at nutrisyon.

Ang mga sanggol at kabataang hanggang limang taong gulang ay dapat na makatanggap ng regular check-up at bakuna habang ang mga kabataang edad anim hanggang katorse anyos ay dapat na makatanggap ng deworming pills.

Ang mga kabataang edad tatlo hanggang 18 ay dapat mag-enroll sa eskwelahan at dapat aktibong pumapasok sa paaralan. Kapag paulit-ulit na sumuway sa naturang kondisyon ang benepisyaryo, maaari nang matanggal sa listahan.

Kabilang din sa tinitignang batayan ay kapag ang pamilya ay nakamit na ang financial independence o may kakayahan na silang tustusan ang pang araw-araw na pangangailangan.

Una na nang nagbabala si Social Welfare Secretary Erwin Tulfo na makukulong ang loan sharks o mga nagpapautang na tumatanggap ng isinanlang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) cash cards maging ang mga benepisyaryo ng programa ay may karampatang parusa rin.

Facebook Comments