Pinamamadali ni Senator Grace Poe ang paglalabas ng calamity fund para sa Cagayan Valley Region gayundin sa Cordillera at Ilocos Region na pawang pinuntirya ng pananalasa ng bagyong Ompong.
Ayon kay Poe, kailangang matulungan na makabangon agad ang nabanggit na mga rehiyon dahil mahigit 835,000 ektarya sa lupain nito ay nagsusuplay mais at gulay sa bansa at pinagkukunan ng kabuhayan ng ating mga magsasaka.
Sabi ni Poe, ang calamity fund ay magmumula sa 19.6-billion pesos na national disaster risk reduction and management fund na nakapaloob sa 2018 national budget.
Dagdag pa ni Poe, dapat ding gamitin ng pamahalaan ang P7.6 billion na disaster quick response fund na hinati-hati sa sampung ahensya.
Ipinaliwanag ni Poe na mayroong P1 billion ang Department of Agriculture (DA) mula sa QRF, habang P500 million naman ang nasa National Irrigation Authority (NIA).
Mayroon din aniyang 1-bilyong piso mula sa QRF ang Department of Public Works and Highways (DPWH) para gamitin sa mga nasirang tulay at kalsada.
Pinaglaanan din ng QRF ng 2 bilyon piso ang Department of Education (DepEd) para sa mga paaralang napinsala ng kalamidad.
Binanggit ni Poe na kabilang din sa recipients ng QRF ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), Office of the Civil Defense (OCD) at Armed Forces of the Philippines (AFP), gayundin ang Department of Health (DOH) at National Electrification Administration (NEA).