Tulong Pangkabuhayan, Ipinagkaloob sa mga Sumukong Rebelde sa Isabela

Cauayan City, Isabela- Ipinagkaloob sa mga dating rebeldeng NPA ang tulong mula sa pamahalaan para sa kanilang pagbabagong buhay sa tulong ng 95th Infantry (Salaknib) Battalion at ng 502nd Infantry (Liberator) Brigade na ginanap sa Happy Farm Ville, CMFDC, Upi, Gamu, Isabela kahapon.

Ipinamahagi ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela ang mga pangkabuhayan para sa higit 40 dating rebeldeng nagbalik loob ng Sari-Sari Store Package na kung saan sumailalim ang mga benepisyaryo sa serye ng pagsasanay sa programang Pangkabuhayan sa Pagbangon at Ginhawa ng nasabing ahensya.

Ayon kay Mr. Winston Singun, Provincial Director ng DTI Isabela, mayroon pang mga aasahang tulong mula sa kanilang ahensya ang kanilang ipagkakaloob sa mga sumuko sa gobyerno.


Aniya, hindi nagtatapos sa kanilang mga nauna nang naipamahaging mga tulong ang pag agapay ng DTI sa pagbabagong buhay ng mga nagbalik loob sa pamahalaan.

Batid umano ng kanilang ahensya na hindi lamang ang kasundaluhan ang may tungkulin na tumulong sa mga nalinlang na NPA kundi, trabaho ito ng lahat.

Sa naging mensahe naman ni LtCol Gladiuz C Calilan, Battalion Commander ng 95IB, ang mga natanggap ng mga former rebels o FRs ay pamamaraan ng pasasalamat ng gobyerno sa kanilang pagwaksi sa armadong pakikibaka.

Ipinaabot naman ni Col Danilo D Benavides, ang pinuno ng 502nd Infantry Brigade ang kanyang pasasalamat sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa patuloy na pag-alalay sa mga nagbabalik loob sa pamahalaan.

Lubos din ang pasasalamat ni BGen Laurence E Mina PA, Commander, 5th Infantry (Star) Division, sa tuluy-tuloy na pagtulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang maiparating ang serbisyo sa bawat mamamayan.

Facebook Comments