Tulong para sa mga apektado ng patuloy na pag-aalburoto ng Bulkang Mayon, bumubuhos

Umabot na sa P105.3-M ang tulong na ibinigay ng pamahalaan sa mga komunidad na apektado ng nagpapatuloy na pag-aalboroto ng Bulkang Mayon.

Sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), mas mataas ito kumpara sa P101-M na iniulat ng ahensiya noong nakalipas na araw.

Tuloy-tuloy kasi ang pagbuhos ng tulong sa mga kababayan nating patuloy na sumisilong sa iba’t ibang evacuation centers sa Region 5.


Kabilang sa mga tulong na ipinagkaloob ng gobyerno ay ang distilled water, family food packs, tents, financial at fuel assistance, hog feeds, hygiene kits, malong, modular tents, sleeping kits, mga face masks, gamot at maraming iba pa.

Sa datos ng NDRRMC may 144 land at air logistics assets ang idineploy para sa pag-transport ng humanitarian cargoes sa Albay.

Sa katunayang nitong nakalipas na araw dumaong sa Albay ang BRP Tarlac na may dalang 2.4 tons ng cargo, na kinabibilangan ng 100,000 respiratory masks; 2,000 units ng jerrycan water collapsible, surgical masks at N95 masks.

Sa kasalukuyan, sumampa na sa 10,642 pamilya o 41, 483 indibidwal na nakatira sa 26 barangay sa Region 5 ang nanunuluyan ngayon sa 28 evacuation centers sa nasabing rehiyon.

Facebook Comments