Tulong para sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Crising at Habagat, inihahanda na ng DA

Ipinag-utos na ng Department of Agriculture (DA) ang mabilis na pamamahagi ng tulong sa mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan ng Bagyong Crising at Habagat.

Ayon kay Agriculture Undersecretary for Operations Roger Navarro, kabilang sa ipamamahaging tulong ng DA ang binhi ng palay, livestock, rehabilitation assistance sa ilalim ng Quick Response Fund at zero-interest loans na hanggang ₱25,000 sa pamamagitan ng SURE Loan Program na puwedeng bayaran sa loob ng tatlong taon.

Base sa inisyal na report, nasa ₱53 million ang pinsala ng bagyo maging ng Habagat sa mga sakahan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Partikular na rito ang Western Visayas at Region IV-B na kinabibilangan ng Mindoro, Marinduque, Romblon at Palawan.

Nasa 2,099 na mga magsasaka ang apektado at 2,400 hectares na lupain ang sinalanta ng sama ng panahon.

Pinalubog ng baha ang mga taniman ng palay, mais at iba pang high-value crops at apektado rin ang poultry at livestock operations sa mga lugar kung saan tumama ang bagyo.

Facebook Comments