Kahit sa gitna ng pangha-harass ng mga barko ng China sa mga sasakyang pandagat ng Pilipinas na naglalayag sa West Philippine Sea, matagumpay na naihatid ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kinakailangan tulong para sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc.
Ito ang nilinaw ni BFAR Spokesperson Nazario Briguera kasunod ng mga ulat na naitaboy ng China ang BRP Tamblot sa Bajo de Masinloc na maghahatid ng ayuda para sa mga mangingisda sa lugar.
Ayon kay Briguera, naipadala nila sa 21 commercial fishing boat sa Bajo de Masinloc ang nasa kabuuang 14,000 na litro ng diesel fuel, 60 liters ng motor oil at iba pang kinakailangang tulong.
Aniya, ang pagsasagawa ng resupply mission ng BFAR at Philippine Coast Guard (PCG) sa Bajo de Masinloc, pagtalima sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na tiyakin ang seguridad sa pagkain.
Dagdag pa ni Briguera na sa pamamagitan nito ay malayang makapangingisda ang mga Pilipino sa lugar at mapapanatili ang sapat na suplay ng isda mula sa karagatan.