Tiniyak ng Bureau of Immigration (BI), na handa silang magbigay ng assistance sa mga kababayan nating Pilipino na maaaring lumikas at umuwi ng Pilipinas, dahil sa nagpapatuloy na tensyon sa pagitan ng Israel at Palestine.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, makikipag-ugnayan ang kanilang tanggapan sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) kaugnay sa posibleng schedules ng repatriations.
Sinabi ni Tansingco na mag-de-deploy siya ng “special teams” na tututok sa mabilis na pag-proseso ng mga dokumento ng mga ma-re-repatriate na mga Pinoy at kanilang pamilya.
Dagdag pa ni Tansingco, ibibigay ng BI ang iba pang kailangang tulong ng DFA at DMW para masigurado ang kapakanan at kaligtasan ng mga repatriates.
Sa ngayon, sinabi ni Tansingco na wala pang schedule para sa repatriation na naipapabatid sa BI kung saan mahigpit naman silang magbabantay at naghihintay ng updates mula sa DFA at DMW.