Tulong sa 7 Filipino seafarer na kinulong sa Libya at nakabalik na sa Pilipinas, tiniyak ng DOLE

Makatatanggap ng tulong mula sa pamahalaan ang pitong Filipino seafarer na umuwi mula sa Libya nitong Martes.

Kabilang sa mga ito ay sina  Arthur Soria Taleno, Fulgencio Pederito Eulogio, Claro Camintay Allera, Abraham Senara Naduma, Jr., Ronnie Lumales Moniya, Gil Dellupac Cruzada at Aldwin Salang-oy Emperada.

Nakulong sila sa Libya ng mahigit dalawang taon, kasama ang 20 Filipino na nadakip matapos kunin ng Libyan Coast Guard ang tanker M/T Levante habang nakadaong sa international water.


Kasabay nito, nagpahatid ng pasasalamat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa pamahalaang Tripoli sa tulong na kanilang ibinigay para agad makauwi ng Pilipinas ang mga seafarer na nakulong sa Libya sa loob ng dalawang taon.

Nakabalik ng Pilipinas ang mga seafarer matapos silang mapawalang-sala ng Libyan High Court sa kasong fuel smuggling.

Paliwanag ni Bello na makatatanggap ng tulong-pangkabuhayan at educational scholarship para sa kanilang mga anak ang pitong seafarer.

Bago ang pagbabalik ng mga seafarer, nakatanggap ang kani-kanilang pamilya ng tulong-pinansiyal mula sa OWWA na nagkakahalaga ng P50,000.

Facebook Comments