Nagpulong muli ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) upang patuloy na matugunan ang iba’t ibang pangangailangan ng mga apektado ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon.
Iniulat ng Office of Civil Defense (OCD) na nakarating na sa Negros Occidental ang ipinadala nitong 7-man Rapid Deployment Team kasama ang Water Filtration Truck para makapagbigay ng malinis na inuming tubig sa mga apektadong residente ng La Carlota at La Castellana.
Maliban dito, nagpadala rin ang ahensya ng 4,000 pirasong N95 face masks at diesel fuel na gagamitin sa water filtration truck ng AFP.
Samantala, ang Department of Social Welfare and Development ay nakapagbigay na ang P5.6 milyong halaga ng tulong sa Western Visayas at Central Visayas habang ang Department of Health naman ay nagpadala ng karagdagang P6.9-M na halaga ng mga gamot at iba.
Sa panig ng Department of Human Settlements and Urban Development, patuloy ang isinasagawang monitoring hinggil sa mga nasirang mga tahanan at pagbibigay ng shelter assistance.
Ang Department of Education, Department of Information and Communications Technology, Philippine National Police at Philippine Red Cross ay patuloy rin sa pag-agapay sa mga naapektuhan ng pagsabog ng bulkan.
Pinangunahan ni DSWD USec. Dian Cajipe ang pagpupulong kung saan, binigyang diin nito ang pahayag ni OCD Chair at Defense Sec. Gilberto Teodoro Jr., na tiyaking makararating sa lalong madaling panahon ang tulong ng pamahalaan sa mga lubos na nangangailangan.