Tulong sa mga magsasaka’t mangingisdang sinalanta ng Bagyong Odette, itinaas na sa Ph1.35-B

Itinaas na nang Department of Agriculture (DA) sa Php1.35 billion ang halagang ipagkakaloob na tulong sa mga magsasaka’t mangingisdang apektado ng Bagyong Odette.

Ito’y upang makabangong muli mula sa epekto ng bagyo ang 12,906 na magsasaka at mangingisda na nasira ang 20,319 metric tons ng produksiyon at 23,438 na ektarya ng agricultural areas.

Ayon kay Agriculture Secretary William Dar, kabilang sa mga naapektuhan at nalugi ang mga magsasaka sa Calabarzon Region, Bicol, Western Visayas, Central Visayas, Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Central Mindanao, Davao, at Caraga.


Aniya, kabilang sa ipagkakaloob nilang tulong ang P1 billion halaga ng quick response fund para sa rehabilitasyon ng mga apektadong lugar, P148 million halaga ng mga buto ng palay, P57.6 million halaga ng buto ng mais, P44.6 million halaga ng sari-saring gulay; P100 million sa ilalim ng survival and recovery assistance program ng agricultural credit policy council; P1.64 million halaga ng fingerlings at tulong sa mga apektadong mangingisda mula sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR); mga gamot at biologic para sa mga pangangailangan ng mga hayop at manok at magagamit na pondo mula sa Philippine Crop Insurance Corporation upang mabayaran ang naapektuhang mga magsasaka.

Sinabi pa ng kalihim na labis na naapektuhan ang mga palayan, maisan at mga high value crop mula sa nabanggit na mga lugar.

Facebook Comments