Tulong sa mga mangingisdang apektado ng paglalagay ng boya ng Chinese coast guard sa Bajo de Masinloc, tiniyak ng gobyerno

Prayoridad ngayon ng pamahalaan ang pagbibigay ng tulong sa mga mangangisdang apektado ang hanapbuhay dahil sa inilagay ng floating barrier o boya ng Chinese coastguard sa Bajo De Masinloc.

Sinabi ni National Security Council Assistant Director General Jonathan Malaya na hindi lamang mangingisdang sa Bajo De Masinloc na apektado ng inilagay ng boya ang tinutulungan ngayon ng pamahalaan.

Sa halip, maging lahat ng mangingisdang naghahanapbuhay sa buong West Philippine Sea.


Ayon kay Malaya, gamit ang barko ng BFAR at Philippine Coastguard nagdadala sila ng suplay na gasolina, pagkain partikular canned goods para matulungan ang mga ito sa paglalayag habang naghahanap buhay.

Paglilinaw naman ni Malaya na matagal na itong ginagawa ng pamahalaan kahit wala pang inilagay na boya ang Chinese coastguard sa bahagi ng Bajo De Masinloc.

Giit ni Malaya ang lahat ng yamang dagat sa West Philippine Sea ay pag-aari ng bansa kaya dapat lang na mapakinabangan ng mga Pilipinong mangingisda.

Facebook Comments