Pinatitiyak ni Senator Raffy Tulfo sa pamahalaan na maibibigay ang lahat ng tulong na kailangan ng mga pamilya ng mga Pilipinong nasawi sa Israel.
Ito ay matapos kumpirmahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) na tatlo na sa mga Pilipino sa Israel ang nasawi sa giyera sa pagitan ng Hamas group.
Ayon kay Tulfo, Chairman ng Senate Committee on Migrant Workers, nakikipagugnayan ang kanyang opisina sa Department of Migrant Workers (DMW), Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), at Department of Foreign Affairs (DFA) para masiguro na maibibigay ang tulong na kinakailangan ng mga biktima.
Pinasisiguro din ni Tulfo na maibibigay ng gobyerno ang tulong sa mga Filipino communities sa Israel para sa kanilang kaligtasan, kasama na rito ang pagpapabilis ng repatriation ng mga OFWs lalo na sa mga Pilipinong nagpahayag ng intensyon na bumalik ng Pilipinas.
Dahil maraming Pilipino ang nawalan ng trabaho, nakipag-ugnayan na rin ang tanggapan ni Tulfo sa pamahalaan para matiyak na may job opportunities para sa mga kababayan sakaling hindi na makabalik sa Israel.