Umapela si Senator Christopher Bong Go sa National Government na tignan din ang kapakanan ng mga senior citizen sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Diin ni Go, bigyan ng kaukulang atensiyon ang mga senior citizen at ipatupad nang maayos ang Expanded Senior Citizens Act of 2010.
Nananawagan naman si Senador Ramon Bong Revilla, Jr. sa patuloy na pagbibigay ng social support at assistance sa mga sektor na patuloy na apektado ng hindi pa rin bumabalik sa normal na pamumuhay dahil sa COVID-19.
Ayon kay Revilla, pangunahing dapat tutukan ng pamahalaan ay ang kapakanan ng mga senior citizen na pinakadelikado ding tamaan ng virus.
Inihain naman ni Senator Risa Hontiveros ang Senate Resolution No. 370 na nag-aatas sa Department of Social Welfare and Development na palawigin ang Social Amelioration Program o SAP para mapasama ang lahat ng pamilya na may senior citizen.
Giit ni Hontiveros, karamihan sa mga lolo at lola sa bansa ay mahihirap kaya kahit sila ay may pension ay dapat pa rin silang maging benepisaryo ng SAP.