MANILA, PHILIPPINES – Nagpalabas na ng panuntunan ang Department of Health kaugnay sa pinamamahaging 50 libong piso sa bawat namatay na naturukan ng Dengvaxia vaccine, gawa ng Sanofi Pasteur.
Inatasan ni DOH Calabarzon Regional Director Eduardo Janairo, ang mga kinatawan ng kagawaran sa rehiyon na direktang ibigay sa pamilya ng mga biktima na kabilang sa mga nabakunahan noong 2016 sa mga paaralan at mga komunidad.
Paliwanag ng opisyal ang one-time Financial Assistance na 50 libong piso ay alinsunod sa DOH Department Order No. 2018-0147, na ipalalabas ng tanggapan ng Pangulo sa mga naulila.
Nilinaw sa kautusan na tanging ang mga naulila ng mga biktima ng Dengvaxia ang kabilang sa DOH masterlist ang maaaring pagkalooban.
Giit ni Janairo na maaaring maghain ng claim ang mga naulila sa DOH Public Assistance Unit na magpruproseso ng mga rekisito gaya ng orihinal na kopya ng katunayan ng kapanganakan at orihinal na kopya ng katunayan ng pagkamatay na authenticated ng Philippine National Statistics Office o ang Certified True Copy ng Birth Certificate mula sa City o sa Municipal Civil Registry; Original Dengue Immunization ID ng namatay o ang Original Certification mula sa Disease Prevention and Control Bureau na nagpapatunay na namatay sa Dengue vaccine ang biktima at ang original o CTC ng medical or Clinical Abstract na nilagdaan ng doctor na gumamot, License Number at Professional Tax Receipt number.