TULONG-TULONG | Temporary shutdown ng Boracay, pinaghahandaan na ng iba’t-ibang ahensya ng gobyerno

Manila, Philippines – Pinaghahandaan na ng iba’t-ibang ahensiya ng gobyerno ang nakaambang pagpapasara ng isla ng Boracay.

Ito ay matapos aprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang rekomendasyong temporary “closure’ sa loob ng anim na buwan para sa rehabilitasyon ng isla.

Batay sa paunang abiso, pagbabawalan na ang pagpasok sa isla ng mga lokal at banyagang turista simula Abril 26.


Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, may pansamantalang trabaho namang iniaalok ang DOLE sa mga apektadong manggagawa pero nasa 5,000 lang ito.

Kampante naman ang Department of Trade and Industry (DTI) na may maibibigay silang trabaho sa mga maapektuhan.

Handa ring magpautang ang DTI sa mga negosyanteng pansamantalang mawawalan ng kabuhayan.

Gagamitin din ang P2 bilyon calamity fund para sa mga apektadong empleyado.

Tiniyak rin ni Tourism Secretary Wanda Teo, na kakausapin nila ang mga stakeholder sa Boracay para sa rebook o refund ng mga nagpa-book na ng bakasyon sa isla.

Pinaghahanda na rin ng DOT ang kanilang mga sangay sa iba’t-ibang rehiyon para ibida ang ibang mga tourist destination sa Pilipinas.

Facebook Comments