Manila, Philippines – Matatanggap na simula sa susunod na buwan ang bagong subsidy o tulong pinansyal para sa pitong milyong mahihirap na pamilyang pilipino sa bansa.
Ayon kay Department of Finance (DOF) Usec. Karl Kendrick Chua – aabot sa 200 pesos kada buwan ang tataggapin ng mga pamilya para dagdagan ang kanilang purchase o buying power kasabay na rin ng umiiral na bagong tax reform law.
Itinuturing nila itong ‘unconditional cash transfer’ dahil wala itong kaakibat na kondisyon.
Hiwalay pa aniya ito sa natatanggap nilang tulong mula sa conditional cash transfer program sa ilalim ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps).
Unang makatatanggap ng bagong ayuda ang mga benepisyaryo ng 4Ps at nasa tatlong milyong senior citizen.
Nasa P2,400 ang kabuhuang matatanggap ng mga kwalipikadong pamilya sa buong taon habang pagsapit ng 2019, itataas sa P300 ang nasabing buwanang subsidiya, o may kabuuang P3,600 bawat taon.