Manila, Philippines – Isang linggo bago ang eleksyon, arestado ang isang kumakandidatong barangay chairman sa Tondo, Maynila dahil sa pananakit sa dalawang menor de edad.
Taong 2015 pa nang nangyari ang insidente kung saan opisyal na noon ng barangay ang hindi pinangalanang suspek.
Ayon kay Police Sr/ Insp. Victor De Leon, commander ng gagalangin police community precinct – nagnakaw ng ‘pisonet’ sa kanilang barangay ang dalawang lalaki at nang mahuli, dinala sila sa barangay hall at doon sinaktan.
Nagsampa naman ng reklamo ang mga magulang ng dalawang binatilyo pero nakapag-piyansa rin agad ang barangay official.
simula noon, hindi na raw dumalo sa mga hearing ang opisyal kaya napilitang mag-isyu ng warrant of arrest ang Manila RTC branch 48.
Pero giit ng suspek, wala siyang natanggap na subpoena matapos ang unang hearing na dinaluhan niya.
Nakapag-piyansa na ulit ang suspek at sinabing tuloy pa rin ang pagtakbo niya bilang kapitan.